Masaya kaming magkasama ni Cathy sa Burger King sa mga unang ilang minuto ng kanyang kaarawan. Ayan na, countdown. Three, two, one....
HAPPY BIRTHDAY TO YOU!
Kasama namin si Mamalah at ang kaklase niyang si Paolo. Kwentuhan, tawanan, lokohon. Masaya. Unang beses ko naranasan ang ganoong saya kasama si Cathy at ang dalawa niyang kaibigan. Nakabalik kami ng dorm ni Cathy ng alas dos ng umaga. Paggising niya, ginulat siya ni Papa at Mama sa dorm. May dalang cake, pansit, mangga, pandesal at keso. Yum yum sarap! (Salamat Nanay Irene sa pagluto.)
Sabay kami umalis ni Mama sa dorm ni Cathy, at naghiwalay kami sa Cubao. Pupunta siya ng SM Megamall, ako naman papasok na sa 10:30am class ko. Mamimiss ko rin ang mga kwento ni Sir Siojo at ang paborito niyang linya na "...when you were just malicious thoughts in the minds of your parents..." HAHA. At gusto ko lang isingit na, ang tricky ng finals exam ni Jamil. Napilipit utak ko sir.
---
Nang nakita ko na bumili si Mama ng pabango na gusto ni Cathy, nainis ako, pumunta ng kwarto, linock ang pintuan, at umiyak. Habang umiiyak ako, hindi ko maisip-isip kung ano ba nangyari at bigla ako nainis nung nakita ko ang pabango. Siguro sa isip-isip ko, "Grabe, binilhan ko ng regalo si Cathy gamit sarili ko na pera kaso hindi ko nabili yung amoy na rinequest niya kasi wala ng stock. Tapos ngayon, papamukha mo sa akin na may nabili ka na ganung amoy? Panigurado mababalewala lang 'yung binigay ko kay Cathy at ang gagamitin niya ay yung nabili mo." Nasaktan lang siguro ako kasi minsan lang ako magbigay ng regalo, tapos kapag nagbibigay ako parang hindi nagugustuhan o na-aappreciate ng mga binagbibigyan ko yung regalo ko. Simple lang ako magbigay, siguro hindi nila trip yun. EWAN.
Tapos bigla ko naisip, ang gusto ko lang naman talaga magawa sa buhay ay magpasaya ng tao, kilala ko man o hindi. Pero, bakit ko sila gusto maging masaya? Dahil ba ginagamit ko lang sila, na kapag nakita ko silang masaya ay masaya na rin ako? Hindi. Dahil ba nakadepende sa ibang tao ang kaligayahan at pagkabuo ko? Hindi rin. Napag-isip isip ko: "Noong una, siguro kaya ko gusto magpasaya ng tao kasi, masaya ako na nakikita silang nakangiti. Pero parang may mali dun, kasi kapag hindi na sila masaya edi hindi na rin ako masaya? Siguro dahil na rin ako ang panganay na anak kaya sinasabi ko sa sarili ko na ganito ang dapat - na dapat ipakita ko sa mga kapatid ko ang tama, na maging halimbawa ako ng isang masaya, mabait at mapag-aral na anak."
Pero natuwa naman ako ng natanto ko na nagbago na ako. Nalampasan ko na ang ganoong pag-iisip. Na kung dati umiikot sa utility ng pagpapasaya ko, ngayon umiikot na sa halaga ng holy. Na hindi na nakasalalay sa kung mapapasaya ko ba siya o hindi ang aking fulfillment. Ngayon nakikita ko na, na ang aking pagiging madaldal, masayahin, makwento, tahimik ang mismong mga katangian na magagamit ko para makabuo ng relasyon sa iba. Na sa kung ano ang meron ako, ang aking kapalaran, makakamit ko ang aking tadhana. Nakikinig ako sa kwento ng kaibigan ko hindi dahil gusto ko makischismis. Nakikinig ako kasi nakikita ko na sa pagkwento/sa kilos ng kaibigan ko, kung ano yung mga bagay na mahalaga para sa kanya... at nirerespeto ko iyon. AT ang tanging magagawa ko lang, sa kung ano ang kapalaran - kung ano ang meron ako, ay ang simpleng pagkinig at pagbigay ng saya o kahit ngiti man lamang sa kanyang mukha. Nakikita ko ang hangganan, ang limitasyon. Kung hanggang saan lang ba ako pwede puwede. Kung papapasukin ba ang ng tao sa kanyang buhay. At sa pagpapasaya ko ng tao, nirerespeto ko ang hangganan na iyon (Ako, ako. At ikaw ay ikaw.) at sabay ko rin nakikilala at unti-unting natutupad ang tadhana ko.
Tulad na lang ng JEEP experience ko. Noong una ayaw ko pa bumati ng mga customers. Kunwari pa akong may ginagawa - ginugulo ang ayos ng tubig sa beverage area tapos aayusin ko rin naman ulit. Pero hindi ako komportable sa ganun eh. Kasi lumalabas na ang ginagawa ko ay hindi ko tinatanggap na may tao diyan sa tabi ko. Na may customer na gusto sanang magtanong sa akin pero hindi ko lang pinapansin. At parehong kaming hindi ok. Kaya sinimulan ko bumati, at naramdaman ko na mas madali yung ganun. Na kahit hindi ako pansinin, ako nagagawa ko naman ang nakakapagpasaya sa akin. At mas masaya kung may ngingiti or sasagot din ng "good morning." o "hello." Nakikita nila na may halaga ung pagbati ko, kahit gano pa kababaw yung pagbati ko na iyon. Nagtutulungan lang kami na pasayahin ang buhay ng isa't-isa.
Maiintindihan ko kung sa pagtapos mo sa pagbasa nito iisipin mo: "Huh? Ang labo. Di ko gets! OA naman neto. May paganyan-ganyan pa." Pero eto lang sagot ko sayo: Iba kasi kapag nakapasok ka sa Philo class ni Sir jope, kahit inis na inis ka na sa nanay mo mapapaisip ka kung may kwenta ba ung pagkainis mo or trip mo lang saktan sarili mo. HAHA, bow.