Nakalimutan ko na kung ilang taon ako ng mga panahon na iyon, ang natatandaan ko lang... huminto na si Papa sa paghithit ng nicotine. Ang yabang yabang ko pa sa mga kaklase ko.
"Eh 'yung Papa at Mama ko hindi sila naninigarilyo. Wala silang bisyo."
(Hindi naman masyado halata na tuwang-tuwa ako sa magulang ko.)
"Oha! Ang galing nila noh?"
At hanggang sa pagtatapos ko ng high school, kailanman hindi ko nakita nanigarilyo ang magulang ko...
Nagulat na lang ako, ng bigla ko nakita si Papa na may hawak na sigarilyo habang nakikipagkwentuhan sa mga kaibigan niya. Mukhang enjoy ah. Tawanan, hithit, buga, ubo, kwentuhan, hithit, buga. Paulit-ulit lang na ganun. Namiss siguro ng tatay ko ang epekto ng yosi sa kanya - 'yung sinasabi nila na nakakaalis ng stress.
Nagsimula sa patikim-tikim bisyo'y biglang lumalim.
Ayan ang hirap sa isang bagay kapag nasimulan mo na. Unti-unti kang mahuhumaling sa kung anong nagagawa nito para sa iyo. At mahihirapan ka na pakawalan, kahit na sa loob-loob mo... alam mo na may mali. May mali pero wala lang sa iyo, basta ang alam mo masarap ang ginagawa mo.
Pero ano nga ba naman ang alam ko kung ano nadudulot talaga ng yosi sa katawan? Para naman hindi lang ako basta basta nagsasalita at walang gawa, nagpaalam ako sa magulang ko kung pwede ko ba subukan manigarilyo.
"Ma, pwde ko ba i-try yan?"
"Tanungin mo si Papa mo." Tinawag ni Mama si Papa.
"Pa, ok lang ba na try ko?" Sabay turo sa yosi na hawak ni Mama.
"O sige, isa lang ha."
At sinubukan ko nga. Hindi ko nagustuhan eh. Siguro nakatatak lang talaga sa utak ko na hindi ko magugustuhan kaya hindi ako nasarapan sa lasa. Ang sakit lang sa puso kasi hindi pa malakas ang loob ko na sabihin kay Papa na nasasaktan ako sa ginagawa niya. Na hanggang ngayon, pagkatapos namin siya pagsabihan ng kapatid ko na tumigil na, tinutuloy pa rin niya. Nakikita ko siya nagyoyosi pagkatapos kumain. Oo, mahirap tumigil sa ganung bisyo. Masaya siya sa ginagawa niya, pero kaming pamilya niya... nasasaktan. Kasi sa bawat stick na nauubos niya, ilang minuto rin ang nababawas sa buhay niya.
Magkakaroon din ako ng lakas na loob na kausapin ka at sabihin sayo na sa tingin namin hindi nakakabuti sa iyo ang bisyo na yan.

I love you Papa.
---
Kung ayaw may dahilan, kung gusto ay laging mayroong paraan.
Eh kung gumawa na lang tayo ng paraan.